Hindi sinang-ayunan ni Senator Imee Marcos ang isinasagawang rally sa Metro Manila para sa impeachment ni VP Sara Duterte.
Ngayong huling araw kasi ng Enero ay nagsasagawa ng rally ang mga grupo grupo maging ang mga estudyante upang tuluyang hilingin na patalsikin si VP Sara sa kanyang posisyon.
Kapwa hinihiling ng mga Unibersidad sa Metro Manila na simulan na ng Kongreso ang pag proseso sa impeachment complaint laban kay VP Sara dahil sa umano’y ilegal na paggamit sa confidential fund.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sen. Imee Marcos, sinabi niya na siya ang naging pasimuno sa Uni-team kaya hinihiling niya sa mamamayan na suportahan ang adhikain ni PBBM na itigil na ang impeachment.
Aniya, wag na sanang dagdagan ang hidwaan sa pagitan ng mga pulitiko sa halip ay gumawa ng paraan para magkasundo sundo ang mga namumuno.
Dagdag pa ng Senadora, isinasawalang bahala na lamang niya ang pambabatikos sakanya, ngunit paglilinaw naman nito na ang pagtutol niya sa impeachment ay hindi dahil sa pagiging matalik na magkaibigan nila ng Bise presidente, kundi dahil sa hangarin na makamit ang pagkakaisa ng bansa.