Ibinida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) na matutupad sa loob ng kanyang termino ang matagal nang pangakong pababain ang presyo ng bigas sa ₱20 kada kilo.
Sa pilot implementation ng naturang programa sa iba’t ibang bahagi ng bansa, iginiit ng Pangulo na posible ito nang hindi nalulugi ang mga lokal na magsasaka.
“Sa mga nagtatanong kung nasaan na ang bente pesos na bigas—ito ang aking tugon: napatunayan natin na kaya na natin ito, nang hindi malulugi ang mga magsasaka,” ani Marcos sa harap ng Kongreso nitong Hulyo 28.
Matatandaan na unang inilunsad ang ₱20 kada kilo na bigas program noong Mayo 1 sa mga piling lalawigan sa Visayas, kabilang ang Cebu, Guimaras, Siquijor, at Bacolod.
Sumunod na pinatupad ito sa mga lugar gaya ng San Juan, Pangasinan, Cavite, Occidental Mindoro at Davao del Sur. Ginamit ang buffer stock ng National Food Authority (NFA), habang ang supply ng palay ay binili mula sa lokal na magsasaka sa halagang ₱18 kada kilo para sa wet palay at ₱19–₱23 kada kilo para sa dry palay.
Ayon sa Pangulo, ₱13 bilyon ang inilaan upang palakasin ang mga programa ng Department of Agriculture (DA), kabilang ang daan-daang Kadiwa stores sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan.
Sa kasalukuyan, 162 Kadiwa ng Pangulo centers ang nagsasagawa ng distribusyon, limitado sa mga indigent, senior citizens, persons with disabilities, at solo parents.
Nagbabala ang Pangulo sa mga trader na nagmamanipula ng presyo ng bigas o nanlilinlang sa mga magsasaka: “Hahabulin namin kayo, dahil ang ginagawa ninyo ay economic sabotage.”
Kaugnay nito, naisabatas ang Republic Act 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act noong 2024, kung saan ang mga hoarder at smuggler ay maaaring parusahan ng habang-buhay na pagkakakulong at multa na mas mataas pa sa halaga ng kinumpiskang produkto.
Sa kabila ng ipinahayag ng Pangulo, iginiit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ilusyon lamang ang sinasabing pagtaas ng kita ng mga magsasaka.
Ayon sa ulat ng KMP, aabot lamang sa ₱4,942 kada ektarya kada taniman ang kita ng karaniwang magsasaka sa Bulacan dahil sa mataas na gastos sa produksyon, renta sa lupa, at interes sa utang.
Dagdag pa rito, nananatiling ₱16 kada kilo ang farmgate price ng palay sa ilang lalawigan, habang patuloy ang pag-angkat ng milyong toneladang bigas.
Nangako din ang Pangulo ng pagpapatayo ng mas maraming farm-to-market roads at pagbibigay ng pataba at irigasyon sa libu-libong ektarya ng lupang sakahan.










