CAUAYAN CITY- Pinabulaanan ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office ang kumakalat na impormasyon sa social media hinggil sa di umano’y pagdukot sa mga bata gamit ang Van sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam nga Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Information Officer ng Nueva Vizcaya, sinabi niya na nagsimulang kumalat ang isyu ng pandurukot simula noong mahuli sa checkpoint ang mga suspek na sangkot sa pandurukot ng isang negosyate sa Pangasinan.
Nakakabahala aniya ang ganitong mga isyu dahil nagdudulot ito ng takot at pangamba sa Publiko lalo na at ipinopost pa ito sa social media na dahilan ng mabilisan nitong pagkalat.
Nagsagawa naman umano sila ng verification at nakipag-ugnayan sa mga himpilan ng Pulis sa Nueva Vizcaya ngunti wala naman aniyang mga na-i-ulat na insidente ng pagdukot sa lugar.
Plano naman nilang I-trace ang mga indibidwal na nag-post sa social media na nakaranas ng di umano’y tangkang pagdukot upang alamin kung ito nga ba ay may katotohanan upang makapagsagawa sila ng malalimang imbestigasyon.
Ayon kay PMaj. Aggasid, mayroon umanong ulat na mga nawawalang kabataan sa ilang bayan sa Nueva Vizcaya ngunit kalaunan ay nahahanap din ang mga ito dahil ang ilan ay naglayas lamang.
Gayunpaman ay maghihigpit pa rin sila ng seguridad kung saan binabantayan nila ng maiigi ang mga paaralan maging sa mga pampublikong lugar lalo na sa gabi upang matiyak ang kaligtasan ng publiko pangunahin na ng mga kabataan.
Pinaalalahanan din niya ang lahat na huwag magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng takot sa publiko.