Pinag-aaralan ng pamahalaang barangay ng Rizal ang pagtatayo ng impounding area para sa mga mahuhuling pagala-galang aso bilang paghahanda sa pagpapatupad ng ordinansa ng lungsod na may layuning tugunan ang banta ng mga ito sa kaligtasan ng publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Captain Tyrone Buck, ipinaliwanag niya na may lupang pinahiram sa barangay sa loob ng eco park area na nakalaan para sa eco-friendly na proyekto, kung saan isinasama rin ang mga programang may kaugnayan sa animal control na target ipatupad ngayong 2026.
Ayon sa barangay captain, ina-adopt ng Barangay Rizal ang resolusyon ng city council hinggil sa panghuhuli ng mga pagala-galang aso dahil sa mga insidenteng kinasasangkutan ng kagat at panghahabol ng mga hayop sa mga sasakyan na nagiging sanhi ng aksidente.
Dagdag pa niya, kasalukuyang sinusuri ng barangay kung paano popondohan ang proyekto at kung paano maitatatag ang isang impounding area upang masigurong may maayos na paglalagyan ng mga asong mahuhuli kapag tuluyan nang naipatupad ang ordinansa.
Binigyang-diin din ng barangay na mahalagang maging handa ang pasilidad bago ipatupad ang regulasyon upang matiyak na magiging maayos at makatao ang panghuhuli at pag-aalaga sa mga hayop, kasabay ng pagbibigay-proteksyon sa kaligtasan ng mga residente.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagpaplano at pag-aaral ng barangay kaugnay ng pasilidad at pondo para sa impounding area bilang bahagi ng mas malawak na hakbang upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa komunidad.
Home Local News
Impounding area para sa pagala-galang aso, plano ng Barangay Rizal, Santiago City
--Ads--





