CAUAYAN CITY- Tiwala ang pamunuan ng Department of Education Region 2 na magiging matagumpay ang puspusang in-house training ng nasa higit dalawang daan na mga atleta sa City of Ilagan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Sports Officer Ferdinand Narciso ng DepEd Region 2 sinabi niya na wala ng uwian ng pagsasanay ng mga atleta bago tumulak patungo sa Lunsod ng Cebu sa katapusan ng Hunyo.
Aniya nadagdagan ang morale ng mga atleta dahil sinimulan na nilang ipamahagi ang kanilang mga uniporme kasama ang cash incentives na gagamitin ng mga atleta para sa kanilang hygiene needs.
Maikli kung maituturing ang in-house training subalit tiwala silang magiging matagumpay ang mga atleta sa pagsabak sa Palarong Pambansa 2024.
Sa kabuuan ay nasa 692 ang kabuuang manlalaro ng DepEd Region 2 kung saan 450 dito ay mga atleta na manggagaling sa elementarya at sekondarya at pinakamarami dito ay mula sa lalawigan ng Isabela na sinundan ng Cagayan.
Umaasa ngayon ang DepEd Region 2 na magagawang higitan ng mga atleta ang mahahakot na medalya ngayong taon.