CAUAYAN CITY-Patuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng Santa Fe Police Station para matuntun ang ina ng natagpuang sanggol sa gilid ng daan sa Sitio Genato barangay Villa Flores, Santa Fe, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Novalyn Aggasid ang tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na isang senior citizen ang nakadiskubre sa inabandonang babaeng sanggol na nasa damuhan sa gilid ng daan sa Sitio Genato isang liblib na barangay sa Villa Flores.
Aniya matapos nilang matanggap ang ulat ay agad silang nagkasa ng imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng ina nito.
Dahil hindi accesible ang lugar ay wala silang makuhang kopya ng CCTV footage na maaari sanang magamit para makilala ang ina ng sanggol.
Sa katunayan aniya ay nagkaroon ng pagpupulong ang LGU Santa Fe at binigyan na ng mandato ang MHO na isumite ang listahan ng mga buntis sa Barangay na nakatakda na sanang manganak o inaasahang manganganak ngayong buwan.
Sa pamamagitan ng listahang ibibigay ng MHO ay magbabahay-bahay ang kanilang mga kawani para bisitiahin ang mga buntis sa naturang lugar at tukuyin kung sino ang ina ng bata.
Samanatala walang naging problema sa babaeng sanggol na sa ngayon ay nasa malusog na kondisyon.
Pansamantala ang sanggol ay ibinigay sa pangangalaga ng isang Sanguninang Bayan Member at ang insidente ay naiulat na rin Regional Alternative Health Care Office na siyang magsagawa ng assesment para sa kapalaran ng bata.
Kung sakali man aniya na mahanap na ang ina ng bata at mapatunayang sinadya o intensyon nitong abandonahin ang anak ay maaari itong maharap sa kaso.