CAUAYAN CITY – Emosyonal at hindi makapaniwala ang ina ng isang lalaki na tubong-Isabela na suspek sa mananaksak at pagpatay sa kanyang sariling asawa sa Agcuyawan Calsada, Barotac Nuevo, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Erlinda Valdez ng Salinungan West, San Mateo, Isabela na hindi nila inaasahang mapapatay ng kanyang anak na si Carlos Valdez ang kanyang asawa na si Ligaya Valdez.
Aniya, ang kanyang anak ay mabait, masunurin, at may kahinaan ang loob kaya hindi nila lubusang maisip na magagawa nitong pumatay.
Kinumpirma rin ni Ginang Valdez na ang biktimang si Ligaya Valdez ay ang pangalawang asawa ng kanyang anak makaraang silang maghiwalay ng kanyang naunang asawa.
Inihayag pa ni Ginang Erlinda Valdez na pag-uusap pa ng kanilang pamilya ang hakbang na kanilang gagawin sa nangyari sa anak.
Nauna rito, sa ulat ng Bombo Radyo Iloilo ay napatay ni Carlos ang asawang si Ligaya dahil sa kanyang sobrang galit makaraang siyang salubungin ng mura at bulyaw ng kanyang asawa pagkauwi niya na nakainom.
Ang biktima ay ipinagsasaksak ng anim na beses ng suspek at nagtamo ng tatlong saksak sa kanyang likod, dalawang saksak sa leeg at isa sa dibdib.