--Ads--

Ikinagulat ng magulang ni Rynier Aaron Ian Gauiran Ramones, rank 2 sa katatapos na Pharmacist Licensure Examination ang pagiging topnother ng kaniyang anak sa naturang pagsusulit.

Si Rynier ay tubong San Mateo, Isabela at nagtapos ng Bachelor of Science in Pharmacy bilang Magna Cum Laude sa Saint Louis University (SLU).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jennifer Ramones, Nanay ni Rynier at Sanguniang Bayan Member din ng San Mateo, sinabi niya na wala siyang kaalam-alam na nag-take na ng board exam ang kaniyang anak dahil ito ay nasa Lungsod ng Baguio para sa review.

Isang araw bago ang paglabas ng resulta ay umuwi aniya ng Isabela si Rynier at kinagabihan matapos lumabas ang resulta ay dito na niya nalaman na hindi lamang basta nakapasa sa board exam ang kaniyang anak kundi siya ay topnother pa.

--Ads--

Napuno aniya ng iyakan ang gabing iyon dahil para kay Jennifer, ang achievement na iyon ng kaniyang anak ay isang “answered prayer” para sa kanilang pamilya lalo na at mag-isa niyang itinaguyod ang kaniyang mga anak simula nang masawi ang kaniyang Mister sa aksidente noong 2023.

Aniya, mahiyain at lowkey na tao ang kaniyang anak at ayaw niyang pinopost sa social media o ibinabahagi ang kaniyang mga achievements kaya naman noong nagtapos ito ng kolehiyo ay tsaka lamang din nalaman ng kaniyang pamilya na siya ay Magna Cum Laude noong mismong graduation na nito.

Pangarap umano ni Rynier ipagpatuloy ang pag-aaral sa medisina nang sa ganoon ay makatulong din sa kaniyang magulang at mga kapatid sa hinaharap.

Pinayuhan naman ni Jennifer ang lahat ng mag magulang na huwag I-pressure ang mga anak at patuloy lamang silang suportahan sa mga nais nilang gawin sa buhay.