CAUAYAN CITY – Natuklasan sa clearing operation ng militar matapos ang nangyaring sagupaan noong Pebrreo 16, 2020 ang inabandonang kuta ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Rang-ayan, Lunsod ng Ilagan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa City of Ilagan Police Station, ang kuta ng mga NPA ay natuklasan ng tropa ng militar sa pangunguna ni Sgt. Albert Balingod ng Philippine Army.
Tinatayang ang kuta ay tinirhan ng aabot sa 70 na individual o rebelde.
Ang kuta ay gawa sa mahigit 50 kawayan na may improvised na classroom, kusina, mga mesa at kama na gawa sa kawayan.
Pinaniniwalaang inabandona ng mga NPA ang kanilang kuta kinagabihan matapos ang naganap na sagupaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Col Virgilio Abellera Jr., hepe ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na patunay na suportado ng mga mamamayan ang pagdedeklara ng pamahalaang lunsod na persona-non grata sa CPP-NPA dahil galing sa kanila ang mga impormasyon hinggil sa presensiya ng mga rebeldeng grupo sa kanilang lugar.






