CAUAYAN CITY – Umalma ang Chancellor ng Diocese ng Ilagan sa panukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez na buwisan ang mga paaralan na pinapatakbo ng Simbahan Katolika.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nagbabala si Fr. Greg Uanan, chancellor ng Diocese ng Ilagan at parish priest ng St. Joseph Parish Church ng Naguillian, Isabela na tuluyang isasara ang mga paaralan na pinangangasiwaan ng religious sector kung mapagtitibay ang ang panukala.
Ayon kay Fr. Uanan, bagama’t kumikita umano ang mga Catholic Schools, ang kita nito ay ibinabalik at ginagamit sa pagsasaayos at pagpapaganda ng mga paaralan.
Taliwas sa naunang pahayag ni House Speaker Alvarez na labas na umano non-stock, non-profit activities ng Simbahan kaya nararapat lamang buwisan dahil sa ginagawa umanong negosyo.
Naniniwala rin si Fr. Greg Uanan na bahagi lamang ng panggigipit ng pamahalaan sa Simbahang Katolika dahil sa patuloy na pagtututo sa death penalty bill at extra judicial killings sa bansa.