--Ads--

CAUAYAN CITY – Inamin ng pinuno ng legal division ng Civil Service Commission (CSC) Region 2 na may nagpapanggap na fixer at naniningil ng P/10,000 sa mga nagnanais na pumasa sa civil service exam para magkaroon ng Civil Service Eligibility .

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Marcelo Cabildo, pinuno ng legal division ng CSC Region 2 na lumabas sa kanilang imbesigasyon na hindi konektado sa kanilang tanggapan ang sinasabing fixer.

Nagbabala siya sa sinumang lalapit sa fixer dahil wala siyang magagawa para makapasa sa civil service exam kapalit ng sampung libong pisong bayad.

Sakaling may ibigay ang fixer na resulta ng exam ay peke ito.

--Ads--

Iginiit ni Atty. Cabildo na hindi puwedeng ma-manipula ang civil service eligibility dahil mayroon silang inilalagay na security features para matukoy na ito ay peke.

Sinuman anyang kawani ng pamahalaan na nagtataglay ng pekeng Civil Service Eligibility ay maari silang kasuhan ng civil case, administrative case at grave misconduct.

Mahalaga aniya ang civil service eligibility dahil ito ay isang requirement para maging permanente sa trabaho sa pamahalaan at magamit din para sa promotion sa trabaho.