CAUAYAN CITY – Labis ang panghihinayang ng may-ari ng mga mais na nasunog sa barangay Allinguigan 3rd, City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Merlita Cabalonga na noong Martes at Miyerkules ay nagpapitas sila ng mais.
Noong tanghali ng Miyerkules ay umuwi ang kanyang mister para kumain ngunit pagbalik niya ay nasusunog na ang inani nilang mais.
Agad namang humingi ng tulong ang kanyang asawa kaya hindi lahat ay nasunog ngunit mas marami ang hindi na mapapakinabangan.
Aniya, galing sa ibang bukid ang apoy at dahil sa sobrang init at malakas din ang hangin kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Hinala nila na ang mga nagsunog sa bukid ay ang mga nangunguha ng mais na dayuhan para madali nilang makita ang mais.
Kung hindi aniya nasunog ang iba ay mahigit 50 na sako ang kanilang maaani dahil isang bag ang kanilang itinanim.
Ipinapasakamay na lamang nila sa Diyos ang lahat dahil hindi naman nila nakita kung sino ang nagsunog.
Ayon pa kay Ginang Cabalonga, hindi lamang sila ang nasunugan dahil mayroon din silang katabi sa bukid na nasunog din ngunit nakasako ang kanilang mais kaya hindi masyadong naapektuhan ang kanilang ani.












