--Ads--

Iginiit ni House Committee on Public Accounts chairperson at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na hindi maitatago nina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases Carpio ang katotohanan kaugnay ng kanilang personal at business income.

Ginawa ni Ridon ang pahayag kasunod ng paghahain ni Carpio ng petisyon sa Quezon City Regional Trial Court na humihiling na pigilan ang House Committee on Justice sa pagkuha at paglalabas ng kanilang income tax returns, dahil sa umano’y paglabag sa privacy law at karapatan ng mag-asawa.

Ayon kay Ridon, ang mga dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), kabilang ang income tax returns, ay maaaring ipasubpoena ng Kamara sa ilalim ng impeachment proceedings, dahil mahalaga ang mga ito sa pagbusisi kung may nagawang paglabag sa Konstitusyon ang Bise Presidente.

Giit pa ng mambabatas, mahalaga ang mga naturang rekord upang matukoy kung may “unexplained wealth” ang Bise Presidente at kung ito ay tama o kumpleto bang naipapakita sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) habang nasa serbisyo publiko.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na may kapangyarihan ang House Justice Committee na humingi ng mga dokumentong kailangan nito upang matukoy kung may sapat na basehan ang impeachment complaints na maaaring isalang sa paglilitis sa Senado.

Iginiit ni Ridon na hindi maaaring igiit ang karapatan sa privacy kung ito ay tatapat sa konstitusyonal na kapangyarihan ng Kongreso sa ilalim ng impeachment process.

“Tama na ang palusot. Lalabas at malalaman din ang katotohanan sa mga tax documents ng Duterte-Carpio sa impeachment hearings,” dagdag pa ni Ridon.

Patuloy naman ang pagdinig ng House Committee on Justice sa isyu sa darating na Martes, Abril 14.