CAUAYAN CITY- Pinasinayaan ngayong araw ang Indigenous People (IP) village sa loob ng Camp Melchor Dela Cruz – Upi, Gamu, Isabela upang ipakita sa mga katutubong myembro ng Philippine Army ang pagpapahalaga sa kanilang kultura at pinagmulan.
Ang pormal na pagbubukas ng village ay personal na dinaluhan ni Lt.Gen Roy Galido, Commanding General, ng Philippine Army; kabilang ang iba pang ahensya tulad ng Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), BFAR, DAR, TESDA, NIA, at iba pang ahensya.
Ibinahagi naman ng Philippine Army na ang village ay pinagtulungan lamang na gawin ng mga sundalo at hindi sila nagbayad ng gagawa rito.
Mula sa 560 hectares ng kampo, ginamit ang maliit na bahagi nito upang ipatayo ang village kung saan matatagpuan ang 14-cottage, at Kalinga hut, Vizcaya hut, at Ifugao hut.
Layunin pa ng village na maging handa at magkaroon ng sapat na pagkain mula sa mga itinanim at inaalagaang livestock sa lugar sakaling magkaroon ng hindi inaasahang kaguluhan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Jose Bernie Sinobin, organizer ng programa, sinabi niya na ang hanay ng Philippine Army ay hindi tumitigil na pahalagaan ang kultura at sayaw ng mga katutubo.
Welcome naman sa IP village ang lahat ng gustong pumunta upang bumisita.











