Nilinaw ng Land Transportation Office Region 2 na alinsunod sa ibinababa ng LTO main office ay information drive muna ang kanilang gagawin ngayong buwan ng Disyembre hanggang January 1.
Ayon kay LTO Region 2 PIO Venancio Tuddao, sa January 2 na ang panghuhuli ng LTO Region 2 sa mga Light Electric Vehicle o LEV na tatakbo sa mga national roads.
Dagdag pa nito, malinaw din na nakasaad sa Republic Act 11697 o Electric Vehicle Industry Development Act o Evida Law na ang mga unregistrable na mga Electriv Vehicle ay maari lamang tumakbo sa mga barangay roads o mga kalsada na pinapayagan ng LGU na maari nilang gamitin
Nilinaw din ni Tuddao na ang mga LEVs ay ang mga nagtitimbang ng 50 kilograms pababa gaya na lamang ng ginagamit na pang service para sa mga bata.
Giit pa niya, sakaling magsimula na ang panghuhuli ay hindi huhuliin ang mga nagmamaneho ng LEVs dahil sa kawalan nila ng rehistro kundi dahil sa pagmamaneho sa mga national highway.
Ikinumpara rin niya ang pagkakaiba ng paggamit lamang sa National Highway upang tumawid papunta sa isang lugar at pagdaan mismo rito.
Aniya, kung ang isang LEV ay tatawid lamang sa National highway upang makapunta sa trabaho ay pinapayagan ito ngunit huhuliin ang mga gagamit na mismo ng pambansang lansangan.
Samantala, ayon naman sa ilang mga gumagamit ng electric vehicle sa lungsod, sana ay maayos na maibaba sa kanila ang mga impormasyon sa ginagawang information drive ng LTO.
Kahapon kasi ay nagsimula na ito at marami sa mga LEV users ang nabahala na baka sila ay huliin.










