CAUAYAN CITY – Umaasa ang Infra watch PH na magagamit nang tama ang Maharlika Investment Fund (MIF) matapos na ito ay pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Terry Ridon, convenor ng Infra watch PH na matapos na tuluyan ng maging batas ang MIF ay dapat na matiyak na maipatupad ng tama ang paggamit sa pondo.
Pera aniya ito ng mga depositors kaya dapat na tiyakin na ang pagkukunan ng pondong ito ay magagamit sa mga kapaki-pakinabang na bagay at matiyak na mataas ang magiging return sa paglalagyan ng mga pondo.
Kailangan din nilang makita kung ano ang magiging hakbang ng pamahalaan sa pagkakaroon ng ganitong pondo dahil kaiba ito sa pondo na ginagawa na ng ibang tanggapan ng pamahalaan.
Dapat ding magkaroon ng transparency lalo na kung sino ang mamumuno para matiyak na hindi makurakot ang pera ng bayan at mapupunta lang sa ibang tao.
Aabangan din nila ngayon kung ano ang magagawa ng batas na ito para masolusyunan ang mga problemang kinakaharap ng bansa.
Umaasa si Atty. Ridon na hindi ito ipagyayabang sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ng pangulo dahil hindi ito ang gustong mapakinggan ng mga mamamayan.
Payo niya sa publiko na manatiling maging mapagmatiyag para hindi mapunta sa wala ang pera ng bayan nang dahil sa bagong batas na ito.