CAUAYAN CITY – Naging matagumpay ang initial rollout ng 10-year validity ng mga lisensya sa pagmamaneho ng Land Transportation Office o LTO sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Manny Baricaua ng LTO Region 2, sinabi niya na nag-ikot sila kasama si Regional Director Romeo Sales sa kanilang nasasakupan upang malaman kung ano ang mga isyu maging ang mga positibong resulta ng pagpapatupad sa naturang batas.
Nagkaroon ng dalawang isyu sa unang araw ng rollout, ang una ay ang nangyaring system error sa pagproseso ng transaksiyon na agad ding naayos ng Central Office.
Sumunod ang nangyaring deactivation ng Comprehensive Drivers Education sa LTMS Portal ng LTO at hapon na ito naibalik.
Ayon kay Baricaua, maliban dito ay wala nang naging problema kaya maituturing na matagumpay ang initial implementation ng Republic Act 10930 sa Rehiyon.
Muli niyang ipinaliwanag na batay sa memorandum ng LTO, ang mga makakakuha lamang ng driver’s license na may 10-year validity ay ang mga walang naitalang traffic violation.
Ang mga bago lamang na kukuha ng lisensiya ay limang taon lamang ang validity.
Lahat ng mga kukuha ng lisensiya ay kailangang dumaan sa Comrehensive Driver’s Education sa LTMS Portal ng LTO o sa mga driving schools.
Ayon kay Assistant Regional Director Baricaua, lahat ng mga nagtungo sa LTO kahapon ay may dala nang certificate na nagpapatunay na sila ay sumailalim sa nasabing pag-aaral.
Marami nang driving school ang online na ang isinasagawang transaksiyon o pag aaral dahil sa pandemya.
Dahil sa Cloud na ang system data ng LTO ay asahan ang pagbagal ng proseso dahil sa internet at pinag aaralan na ng ahensya kung ano ang maaring solusyon.











