Pinalalakas ng Innovation Center ng Cauayan City ang paggamit ng makabagong digital systems upang makalikom ng real-time data na nagsisilbing batayan sa paggawa ng mga polisiya at pagpapabuti ng serbisyo para sa mga residente ng lungsod.
Ipinatupad ang mga sistemang ito upang masubaybayan ang pangangailangan ng mga Cauayeños, kabilang na ang Gender Responsive Tool, Geographical Information System (GIS), Barangay GAD Plan Budget, Smart Queue System, Human Resources Information System, SUNSHINE System, I-Report VAWC, PDL Tracking System, SUKD System, SFP, CCSL, at Icare System.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jaymar Dela Cruz, Information Technology I sa ilalim ng City Administrator’s Office, layunin ng mga system na ito na magbigay ng konkretong datos para sa mas epektibong desisyon ng lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng Smart Queue System, natutukoy kung gaano karami ang mga kliyente na humihingi ng serbisyo at kung anong uri ng serbisyo ang kanilang ina-access, na kahalintulad ng sistemang ginagamit sa mga bangko.
Sa I-Report VAWC naman naitatala ang bilang at lokasyon ng mga kasong may kinalaman sa karahasan laban sa kababaihan at bata (VAWC), habang ang PDL Tracking System ay ginagamit upang i-monitor ang impormasyon at kasaysayan ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa lungsod.
Real-time rin ang pag-upload ng impormasyon sa archive ng lungsod, lalo na para sa mga bagong ordinansa at dokumento. Ayon sa lokal na pamahalaan, inuuna ang pinakabagong datos, kasunod ang pag-aayos ng mga lumang dokumento. Kumpirmado ring aprobado ang mga sistemang ito alinsunod sa Data Privacy Act ng Pilipinas.
Natapos na ang presentasyon ng lungsod sa Philippine Commission on Women (PCW), kung saan itinampok ang mga best practices ng Cauayan sa larangan ng digital governance at gender responsiveness. Ilang local government units na rin ang nagpahayag ng interes na ireplicate ang mga nasabing sistema sa kanilang lugar.











