--Ads--

CAUAYAN CITY – Kasunod ng pagkakadakip ng dalawang nagpapanggap na Optometrist o doktor ng mata ay nagpaalala ang Integrated Phil. Association of Optometrist ng Nueva Vizcaya sa publiko na maaring maduling ang mga pasyenteng nabigyan ng maling Prescription Glasses.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Edwin Clifford Tito, Chapter President ng Integrated Phil. Association of Optometrist ng Nueva Vizcaya  na ipinaaresto niya ang dalawang katao na nagpapanggap na mga Optemetrist o Doktor ng mga mata.

Inihayag ni Dr. Tito na ang grupo ng dalawang katao na inaresto ay nakakuha ng memorandum of agreement sa pamunuan ng DepEd Nueva Vizcaya at natuklasan nila ang pagpapanggap ng dalawa bilang mga Optometrist at nag-iikot pa sa mga paaralan at mga tanggapan matapos mayroong mga nagrereklamo sa kanilang isinasagawang pagsusuri sa mga mata.

Sinabi pa ni Dr. Tito na noon pang October 2022 ay nakita niya ang dalawa sa tanggapan ng Regional Trial Court ng Nueva Vizcaya na nagsasagawa ng pagsusuri sa mata.

--Ads--

Nagbunsod ito para siyasatin niya kung totoong mga doktor ng mata ang dalawa at natuklasang hindi sila mga optometrist kayat binigyan niya ng warning na tumigil na sila sa kanilang iligal na gawain.

Ngunit pinanindigan anya ng dalawa na mayroon silang Memorandum of Agreement sa DepEd Nueva Vizcaya.

May grupo anya ang dalawa at may mga sasakyan bukod pa sa kompleto sila sa gamit o instrumento sa pagsusuri sa mata

Modus  anya ng grupo ay nagsasagawa kunwari ay optical mission at kapag nasuring may pangangailangan na gumamit ng salamin ang pasyente ay aalukan ng salamin sa halagang dalawang libong piso hanggang pitung libong piso.

Noong nadakip anya ang dalawang pinaghihinalaan ay marami ang nagtungo sa kanilang tanggapan at inirereklamo ang ibinigay sa kanilang salamin na malabo at nakakahilo kapag kanilang ginamit.

Nagpaalala naman si Dr. Tito sa mga mamamayan na mayroong masamang epekto kapag gumamit ng hindi akmang salamin tulad ng pananakit ng ulo at ang pinakamalala ay maaring maduling ang isang pasyente.