Activated na simula ngayong araw ang Regional Inter-Agency Coordinating Team bilang paghahanda sa paparating na Bagyong Uwan sa Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mia Carbonel ng OCD Region 2, sinabi niya na kahapon ay isinagawa ang Regional Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) kasama ang PAGASA, kung saan tinalakay ang posibleng epekto ng Bagyong Uwan.
Pinag-aralan aniya ang iba’t ibang senaryo sakaling mag-landfall o mas lumapit pa ang bagyo sa kalupaan.
Maliban dito, nagprisinta ang iba’t ibang disaster response cluster agencies ng kanilang deployment plan sa iba’t ibang bahagi ng Region 2.
Inaasahan na bukas, araw ng Linggo, ay magsisimula na ang dispatch o deployment ng mga disaster response units.
Activated na rin ang Media Communication Center katuwang ang iba’t ibang media outlet para sa mas mabilis na pagpapalaganap ng impormasyon.
Samantala, posible nang makumpleto ng mga Local Government Unit sa mga high-risk areas ang mandatory evacuation sa Linggo bago pa man tumama ang bagyo.
Hinihikayat ang mga LGU na paigtingin ang evacuation sa mga flood-prone at landslide-prone areas, lalo na sa mga lugar na inaasahang maaapektuhan ng bagyo.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang paghahanda ng mga Local DRRM Council sa mga evacuation center sa buong Lambak ng Cagayan.











