--Ads--

Naghain si Sen. Erwin Tulfo ng panukalang batas na magbibigay ng interest-free loan sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) upang matustusan ang kanilang pre-departure requirements at maiwasan ang pagkalubog sa utang bago makaalis ng bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1696 o “OFW Pre-Employment Loan Assistance Act,” maaaring makahiram ng hanggang ₱100,000 ang isang OFW na may balidong kontrata sa trabaho. Prayoridad sa programa ang mga first-time OFWs, na kinakailangang dumaan sa libreng financial literacy seminar bago umalis ng bansa.

Ayon kay Tulfo, bilyon-bilyong dolyar ang naiaambag ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa sa ekonomiya, ngunit marami pa rin ang napipilitang mangutang nang may mataas na interes upang mabayaran ang placement fees, medical examination, training, passport, visa, pamasahe at iba pang gastusin. Marami rin aniyang lumalapit sa kanilang Action Center upang humingi ng tulong pinansyal at kadalasang napipilitang umutang sa loan sharks.

Nakasaad sa panukala na walang interes ang loan sa loob ng unang taon ng pagbabayad. Kinakailangan din ang isang kapamilya bilang co-borrower upang matiyak ang koleksyon. Para sa mga first-time OFWs, maaaring bayaran ang utang sa loob ng hanggang 18 buwan at bibigyan sila ng prayoridad sa loan access, bukod sa libreng financial literacy training.

--Ads--

Kapag naisabatas, ipatutupad ang programa ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).