Iniulat ng online watchdog na NetBlocks na nagkaroon ng nationwide internet blackout sa Iran, kasabay ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nasawi sa isinagawang crackdown ng mga awtoridad matapos ang 12 araw na mga kilos-protesta na may kaugnayan sa kalagayang pang-ekonomiya.
Ayon sa NetBlocks, ipinapakita ng kanilang live metrics na kasalukuyang nararanasan ng Iran ang malawakang pagkawala ng internet sa buong bansa.
Sinabi ng grupo na ang insidente ay kasunod ng sunod-sunod na pinaigting na hakbang ng digital censorship na umano’y nakatuon sa pagpigil sa pagkalat ng impormasyon kaugnay sa mga protesta.
Dagdag pa ng NetBlocks, ang naturang internet shutdown ay lubhang nakahahadlang sa karapatan ng publiko na makipag-ugnayan at makapagbahagi ng impormasyon sa isang napakahalagang panahon, lalo na habang nagpapatuloy ang tensyon at kaguluhan sa iba’t ibang panig ng bansa.











