--Ads--

Isang sisentay syete (67) anyos na lalaki ang nasawi matapos pag tatagain sa Purok Syete, Barangay Antagan Uno, Tumauini, Isabela.

Ang suspek ay kinilala na si “Ian”, habang ang biktima naman ay si “Juanito”, at kapwa residente ng nasabing barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Melchor Aggabao, Hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na nag-ugat ang insidente sa pagtatalo ng biktima at suspek na kapwa bantay ng isang farm at nag-iinuman bago ang pangyayari.

Ayon sa salaysay, nagkaroon ng mainitang argumento ang dalawa kaugnay ng alak hanggang sa mauwi ito sa pisikal na alitan. Inawat pa umano ng isa nilang kainuman ang dalawa, at pansamantalang humupa ang tensyon nang ihatid ang biktima sa kanyang kubo.

--Ads--

Gayunman, makalipas ang ilang sandali, hininanap ng biktima ang suspek,  may dalang itak at naghahamon umano ng away. Muling nagkita ang biktima at suspek malapit sa isang kubo. Doon umano muling sumiklab ang komprontasyon na nauwi sa paggamit ng itak.

Sa insidente, unang tinamaan ang biktima sa kaliwang kamay na nauwi sa pagkaputol nito. At imbes humupa ang tensyon, nagbitaw pa umano ang biktima ng mga banta laban sa suspek.

Ayon sa salaysay ng suspek, hinataw ulit niya ang itak na hawak niya at natamaan ang biktima sa bahagi ng ulo at leeg nito. Nagtamo ito ng apat na sugat at agad na bumulagta sa lugar.

Agad rumesponde ang mga barangay kagawad, kapulisan ng Tumauini, at inaresto ang suspek. Dumating din ang rescue team ng Tumauini ngunit dahil sa lala ng kondisyon ng biktima, isinailalim na ito sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Kinumpirma ng pamilya ng biktima na itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek, na maaaring humarap sa kasong murder habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng kapulisan.