--Ads--

Nauwi sa pananaga ang inuman ng magkapatid sa Matusalem, Roxas, Isabela matapos ang mainit na pagtatalo na dulot ng kalasingan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Captain Manuel Bulanadi, Admin Public Communications Officer o PCO ng Roxas Police Station, itinago ang biktima sa alyas na “Jojo” at  ang suspek na si alyas “Jay”, parehong nasa wastong gulang at residente ng nasabing lugar.

Batay sa isinagawang imbestigasiyon ng pulisya, kapwa umiinom ng nakalalasing na inumin ang magkapatid nang magkaroon ng pagtatalo.

Dahil sa labis na kalasingan, uminit umano ang kanilang usapan, hanggang sa nauwi ito sa pisikal na komprontasyon.

--Ads--

Sa gitna ng alitan, kumuha ng itak ang suspek at agad tinaga ang kanyang kapatid. Bagamat naka-iwas ang biktima sa mas malubhang pinsala, tinamaan pa rin ito sa kamay at nagtamo ng sugat.

Agad namang isinugod ang biktima sa ospital at kasalukuyan pa ring nagpapagaling.

Pansamantala namang pinalaya ng PNP Roxas ang suspek matapos ipahayag ng pamilya ng mga sangkot na wala muna silang balak magsampa ng kaso.

Gayunman, nilinaw ng pulisya na nakahanda na ang mga kinakailangang  dokumento kung sakaling magbago ang isip ng pamilya at ituloy ang pagsasampa ng reklamo.

Samantala, ayon sa pulisya, naging payapa ang pagsalubong ng bagong taon sa kanilang nasasakupan at wala namang naitalang malaking kaguluhan kaugnay sa pagdiriwang.