Tumaas ang investigation caseload na natanggap ng Cauayan City Parole and Probation Office dahil sa pagdami ng mga nasasampahan ng minor offenses o mga probationable offenses sa nasasakupan ng ahensya.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Pedro Almeda Jr. ng Parole and Probation Office, sinabi niya na ang investigation caseload noong 2024 ay 141 lamang, mas mababa kumpara sa 2025 na umabot sa 178 referrals.
Aniya, dahil marami ang nasasangkot sa kasong nakawan, illegal logging, paglabag sa Chainsaw Act, pagkakasangkot sa illegal drugs, estafa, at iba pa, ay tumaas ang bilang ng kliyente ng ahensya.
Dagdag pa ni Almeda, bagaman natutuwa ang ahensya na mas marami nang nakakaalam tungkol sa probation, mayroon pa rin silang lungkot na nararamdaman dahil sa patuloy na pagdami ng mga lumalabag.
Kadalasan umanong violation na kinahaharap ng mga probationers ay ang paggamit ng chainsaw na walang lisensya, at ang mga karaniwang violators ay mga residente sa forest region.
Maging ang mga sangkot sa illegal drugs ay minamabuti na lamang na magkaroon ng tinatawag na plea bargaining upang maipasok ang kanilang kaso bilang probationable offense.









