Kung si bagong House Speaker Bojie Dy ang masusunod, nais niyang itigil na ang isinasagawang imbestigasyon ng Kamara ukol sa mga diumano’y iregularidad sa mga flood control project at ipasa na lamang ang lahat ng ulat sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon kay Dy, ito ay dahil marami na sa ating mga kababayan ang hindi na naniniwala sa nangyayari sa infrastructure committee.
Ang panukala ni Dy ay kasunod ng lumalawak na pagdududa ng publiko sa integridad ng House Committee on Infrastructure, lalo’t ilang mambabatas ang umano’y konektado rin sa mga kontratista na sangkot sa kontrobersya.
Matatandaan na nagsimula ang imbestigasyon ng Kamara nitong Agosto, bago pa man itinatag ng Malacañang ang ICI. Sa mga unang pagdinig, inimbitahan ng komite ang mga pangunahing kontratista ng flood control projects tulad ni Curlee Discaya, at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Henry Alcantara at Brice Hernandez na umano’y sangkot sa “kickback” scheme.
Lumabas din sa mga pagdinig ang sinasabing umano’y koneksyon nina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada sa anomalya sa DPWH.
Itinuturo din ang ilang kongresista na umano ay may direktang ugnayan sa mga kontratista o sila mismo ang mga contractor. Isa sa mga huling pinadalhan ng imbitasyon ay si Rep. Zaldy Co ng Ako Bicol Party-list, ng kontrobersyal na Sunwest Construction at isa rin sa mga pangunahing bumuo ng 2025 national budget.
Usap-usapan din ang sabwatan ng ilang mambabatas at district engineers upang makapagsingit ng tinatawag na “pet projects” sa budget, bago pa man ito pormal na isumite ng Ehekutibo sa Kongreso.
Sa kabila ng mga rebelasyon, nanindigan si Speaker Dy na mas makabubuting hayaan na ang ICI, na isang independyenteng ahensya upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon. Aniya, ito’y para maibalik ang tiwala ng publiko at matiyak ang pagiging patas ng proseso.











