Ipinagpapatuloy ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang screening para sa mga aplikante ng IPEAS Program habang naghahanda rin sa paglulunsad ng Indigenous Peoples Coastal Governance Network sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Shehemia Pumihic, Education Focal Person–District III, patuloy ang pagtanggap at pagsusuri ng mga aplikasyon para sa IPEAS Program, at nakatakdang magtapos ang pagpasa ng mga requirements sa darating na Marso 31.
Aniya, kailangang magsumite ang mga aplikante ng kumpletong requirements tulad ng duly accomplished application form, Certificate of Tribal Membership, Barangay Indigency, school ID o anumang valid ID, Certificate of Registration o Enrollment, latest report card o transcript of records, at 2×2 ID picture.
Layunin ng IPEAS Program na matulungan ang mga kabataang kabilang sa Indigenous Peoples na makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng tulong pang-edukasyon.
Samantala, kaugnay ng pagpapalakas ng partisipasyon ng mga katutubo sa pamamahala, inilunsad ng Isabela Provincial Government sa pamamagitan ng Isabela Coastal Development Office ang pagtatatag ng Indigenous Peoples Coastal Governance Network.
Layunin ng network na palakasin ang pamumuno ng mga katutubo sa pangangasiwa ng baybayin at itaguyod ang participatory at rights-based governance.
Binibigyang-diin din ng nasabing network ang mahalagang papel ng mga katutubo bilang unang tagapangalaga ng baybayin, ilog, at ecosystem, pati na ang kanilang aktibong partisipasyon sa mga programang pangkalikasan, polisiya, at pagpapaunlad ng komunidad.
Inaasahang palalawakin pa ang network sa buong lalawigan upang masiguro ang aktibong partisipasyon ng Indigenous Peoples sa pamamahala at sustainable development.





