--Ads--

Inihayag ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan na nakakasunod na sa mga panuntunan ang ipinasarang poultry sa Brgy. Marabulig dahil sa mga naitalang paglabag kaugnay sa kalinisan ng pasilidad nito.

Matatandaan na pansamantalang ipinasara ang nasabing poultry matapos ireklamo ng mga residente bilang pinagmumulan umano ng napakaraming langaw na nagdudulot ng pagkakasakit sa ilang mamamayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Paolo Eleazar Delmendo sinabi niya na muli nilang binisita ang poultry upang inspeksyunin ang mga pasilidad nito at makita kung tumupad na sa mga inilatag na requirement upang ito ay makapagpatuloy muli sa operasyon.

Sa kasalukuyan ay mayroon na silang manure conveyor na otomatikong naglalabas ng mga dumi ng manok patungo sa isang truck na siyang magtatapon o magdeliver para sa paggawa ng fertilizer.

--Ads--

Aniya hindi na naiipon ang mga dumi ng manok sa loob at hindi na nagdudulot ng mabahong amoy at pagdami ng mga langaw.

Sa kasalukuyan ay walang laman na mga manok ang nasabing poultry upang maisagawa ang rehabilitasyon sa kanilang pasilidad bago muling makapag-operate.

May anim na gusali sa loob ng poultry farm at naayos na ang apat sa mga ito habang kasalukuyan pa ang pagsasaayos sa natitirang gusali.

Muli naman siyang nagbabala sa iba pang poultry at piggery farms sa lungsod na ayusin ang mga pasilidad upang hindi matulad sa naipasarang poultry farm.