
CAUAYAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ng kanyang pamilya ang nawawalang pulis na si Police Senior Master Sgt. Antonino Agonoy, apatnapu’t dalawang taong gulang, nakatalaga sa Cabatuan Police Station at residente ng San Mateo, Isabela.
Inihayag ni Ginang Delia Agonoy na Biyernes ang huling araw na nakita ang kanyang anak na sakay ng kanyang motorsiklong NMAX, nakasuot ng short pants at colored T-shirt.
Inihayag ni Ginang Agonoy na kapag araw ng Sabado at Linggo ay umuuwi ang anak kaya nagtaka sila nang malaman sa asawa ng anak na hindi umuwi sa kanilang bahay ang nasabing pulis.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang pamilya ng naturang pulis sa Cabatuan Police Station.
Nakita naman ang motorsiklo ng pulis dito sa Lunsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCol. Julio Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office na ipina-blotter ng maybahay ni Police Senior Master Sgt. Antonino Agonoy noong araw ng Lunes ang pagkawala ng kanyang mister.
Kaagad namang pina-imbestigahan ang pagkawala ni Sr. Master Sgt. Agonoy at maging ang Intel-Officer ng IPPO ay nagsasagawa na ng imbestigasyon at nakipag-ugnayan na sa PNP Cabatuan.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw ang kinaroroonan ng nawawalang pulis.
Nagsasagawa na rin ng pagsisiyasat sa background ng naturang pulis at kinuhanan na rin ng pahayag at affidavit ang kanyang maybahay.
Bilang isang intel-officer ay palaging nasa labas at hindi nakasuot ng uniporme ang naturang pulis.
Pinapasiyasat na rin nila ang pagkakatagpo ng motorsiklo ng pulis dito sa Lunsod ng Cauayan at kumukuha pa sila ng kuha ng CCTV Camera sa posibleng dinaanan ng nasabing pulis.










