Naging maayos ang paghahanda ng ilang mga personnel ng Isabela Police Provincial Office na nagsisilbing Civil Disturbance Management (CDM) contingent na karagdagang pwersa sa Metro Manila kasabay ng Second Trillion Peso March ngayong Linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, Information Officer ng IPPO, sinabi niya na bagama’t wala pa namang mga grupo ang nagpaalam sa kanila na sila’y magsasagawa ng kilos-protesta sa lalawigan ay naghanda pa rin ang kanilang hanay para rito.
Aniya, kung mayroon mang grupo ang nagnanais mag-rally ay kailangan lamang itong ipaalam sa kanilang hanay nang sa ganoon ay matiyak ng mga ito ang kanilang kaligtasan.
Ayon kay PCapt. Topinio, ginagalang ng mga kapulisan ang ipinaglalaban ng mga raliyista subalit nakiusap ito na sana ay gawin ito sa maayos na paraan upang mapayapang maidaos ang naturang mga aktibidad.











