--Ads--

Pansamantalang isinara ng Iran ang malaking bahagi ng kanilang airspace para sa karamihan ng mga flight matapos ang banta ng US President Donald Trump laban sa bansa, ayon sa US aviation authority.

Ayon sa US Federal Aviation Administration (FAA), ipinagbawal ang karamihan ng mga flight sa Iranian airspace mula 1:45 ng madaling-araw hanggang 4:00 ng umaga, at muling ipinatupad ang restriksyon mula 4:44 ng umaga hanggang 7:00 ng umaga (oras sa Iran). Pinayagan lamang ang mga flight na may paunang pahintulot mula sa Civil Aviation Organisation (CAO) ng Iran.

Ipinakita ng FlightRadar, isang online flight tracking service, na tatlong eroplano lamang ang lumilipad sa ibabaw ng Iran bandang 6:05 ng umaga, habang karamihan sa mga eroplano ay umiwas at lumipad sa paligid ng mga border ng bansa. Muling binuksan ang airspace bandang alas-7 ng umaga.

Hindi agad tumugon ang FAA at CAO sa mga kahilingan para sa pahayag.

--Ads--

Ang pagsasara ng airspace ay kasunod ng mga banta ni Trump na aatakihin ang Iran matapos ang marahas na crackdown ng pamahalaan ng Iran sa mga anti-government protest na ikinamatay ng ilang mamamayan.

Noong Miyerkules, inilabas ng US at United Kingdom ang ilang military personnel mula sa Al Udeid Air Base sa Qatar, matapos sabihin ng isang mataas na opisyal ng Iran na tatargetin ng Tehran ang mga pwersa ng US sa Middle East sakaling maglunsad ng pag-atake ang Amerika.

Naglabas din ng travel advisories ang ilang bansa para sa kanilang mga mamamayan sa rehiyon dahil sa pangambang lalo pang lalala ang tensyon.

Kalaunan, tila binawasan ni Trump ang kanyang banta, matapos niyang sabihin na nakatanggap siya ng katiyakan mula sa “source” na huminto na umano ang pagpatay sa mga nagpoprotesta sa Iran.

Samantala, ayon sa Safe Airspace, isang website ng aviation safety group na OpsGroup, ang pagsasara ng airspace ay maaaring senyales ng posibleng military activity, kabilang ang panganib ng missile launches at mas mahigpit na air defence.

Bilang paalala, noong 2020, aksidenteng nabaril ng air defence ng Iran ang isang Ukraine International Airlines flight matapos itong mag-take off sa Tehran, na ikinamatay ng 176 katao.