--Ads--

Tahasang tinanggihan ng Iran ang inaalok na 15-point peace plan ng Estados Unidos sa gitna ng patuloy na tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon sa tagapagsalita ng militar ng Iran, tila nakikipagnegosasyon lamang ang Washington sa sarili nito, kasabay ng paglalabas ng matapang na pahayag laban sa naturang panukala.

Batay sa mga ulat, nakarating sa Tehran ang plano sa pamamagitan ng Pakistan, na nagsisilbing intermediary sa pagitan ng dalawang panig.

Bagama’t hindi pa isinasapubliko ang buong detalye ng dokumento, naiulat na kabilang sa mga kondisyon nito ang pagbuwag ng Iran sa kanilang mga nuclear facility. Kapalit naman umano nito ang tuluyang pag-alis ng mga ipinataw na sanctions laban sa kanilang bansa.

--Ads--

Taliwas sa naging tugon ng Iran, iginiit ni US President Donald Trump nitong Martes na bukas ang Tehran sa pagkakaroon ng kasunduan.

Samantala, nagpahayag ng pagdududa ang isang opisyal mula sa Israel hinggil sa panukala. Ayon dito, “beautiful on paper” ang plano ng Estados Unidos, ngunit malaki ang posibilidad na hindi ito sasang-ayunan ng Iran.