CAUAYAN CITY – Isa patay, isa ang nasugatan sa bangaan ng dalawang motorsiklo sa Garit Sur, Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station sinabi niya na ang nasawi ay ang driver ng Rusi single motorcycle na minaneho ni Jun Rey Capaz, 27 anyos, construction worker at residente ng naturang barangay.
Ang nakabangaan nitong Honda TMX single motorcycle ay minaneho ni Rolly Domingo, 43 anyos, may-asawa at residente ng San Juan, Echague, Isabela.
Ayon kay PMaj Natividad, lumabas sa kanilang imbestigasyon na negatibo sa alak ang mga sangkot sa aksidente ngunit mabilis ang kanilang takbo.
Papasok sa trabaho si Capaz at papaliko na sa isang gasolinahan nang mabangga siya ng sumusunod na Honda TMX.
Dahil sa lakas ng bangaan ay nagtamo ng sugat sa katawan ang mga sangkot na tsuper na agad dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival si Capaz habang ginagamot sa ospital si Domingo na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.
Ayon naman sa ilang kamag-anak ni Capaz, kahahatid niya ang anak sa eskwelahan nang maganap ang aksidente.