CAUAYAN CITY– Isa ang binawian ng buhay ang isang babae habang nasa malubhang kalagayan ang isa sa apat na nasugatan sa naganap na banggaan ng tricycle at isang SUV sa Brgy Abuyo, Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.
Ang nasawi at mga nasugatan ay sakay ng tricycle na minamaneho ni Juliet Pi-og, 27 anyos.
Sakay naman ng tricycle ang anak ni Juliet Pi-og, na sina Mark Jake Pi-og, 7 anyos; Jasmine Pi-og, 5 anyos; Marlon Pi-og, 3 anyos at kanyang pamangkin na si Neisha Mae Jose, 12 anyos na pawang residente ng Pantabangan, Nueva Ecija.
Ang tsuper naman ng Ford Ranger ay si Carlo Macapagay, 43 anyos , kawani ng AURELCO at residente ng San Leonardo, Nueva Ecija
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCorporal Albert John Adan, tagasiyasat ng Alfonso Castañeda Police Station na ang tricycle ay patungong Pantabangan habang ang SUV ay patungong Baler, Aurora nang mag-overshoot ang tricycle matapos iwasan ang SUV.
Matapos mag-iwasan ang dalawang sasakyan ay nagkabanggaan sa shoulder lane ng daan.
Nasawi sa pagamutan si Juliet Pi-og habang ang isa niyang anak ay nasa malubhang kalagayan at nasa mabuti nang kalagayan ang tatlo pang mga bata.
Patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng pulisya kaugnay sa aksidente at hihintayin din ang kapasyahan ng pamilya ng mga biktima habang nakahandang tumulong ang pinaghihinalaan.