--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang tsuper sa banggaan ng motorsiklo at tricycle sa Brgy. Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Ang nasawi ay si ROLDAN DEPAWA ELIAS, tatlumpu’t anim na taong gulang, magsasaka at residente ng Buguias, Benguet habang sugatan naman ang back rider nito na si Brenda at tsuper ng nakabanggang motorsiklo na si RESTY FERNANDEZ CALICA, apatnapu’t siyam na taong gulang, tricycle driver, may asawa at residente ng Bakir, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng Pulisya na binabagtas ni Elias ang pambansang lansangan patungong Lamut Ifugao habang nasa kasalungat na direksiyon naman si Calica.

Nag-overtake sa sinusundang sasakyan si Calica at aksidenteng nahagip ang kasalubong na motorsiklo.

--Ads--

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga sangkot at dinala sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival si Elias ng kaniyang Attending Physician.

Napag-alaman na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin si Calica nang maganap ang aksidente.