CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang retiradong kawani ng Pamahalaan sa karambola ng limang sasakyan sa San Nicolas, Bayombong Nueva Vizcaya.
Ang mga sangkot na sasakyan ay isang tricycle na minamaneho ni Mario Conrado, 62-anyos, retiradong kawani ng pamahalaan, at residente ng Barangay Luyang, isang kotse na minamaneho ni Roy Velasco, 60-anyos, guro, at residente ng Dupax Del Sur, isang SUV na minamaneho ni Teofilo Navarro, 66-anyos, retiradong sundalo, at residente ng San Fabian, Echague, Isabela, isang SUV na minamaneho ni Jeffrey Lazo, 41-anyos, pastor, at residente ng Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya at isang Isuzu closed Van na minamaneho ni Zander John Consolacion, 24-anyos at residente naman ng Consolacion, Pangasinan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. George Maribbay, hepe ng Bayombong Police Station, sinabi niya na binabagtas ng mga sasakyan ang nasabing daan mula sa magkabilang direksiyon nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay huminto ang tricycle na minamaneho ni Conrado dahilan para bahagyang huminto ang sumusunod na sasakyan na minamaneho ni Velasco.
Habang papaliko sa kaliwang bahagi ng daan ang tricycle ay nawalan ng control sa preno ang tsuper ng Isuzu Closed Van sanhi para mabangga nito ang mga sinusundang sasakyan na naging dahilan para magkarambola ang mga sasakyang minamaneho nina Conrado, Velasco, Navarro at Lazo.
Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng sugat si Conrado sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na agad dinala sa pagamutan upang malapatan ng lunas.