CAUAYAN CITY- Hindi lubos akalain ng rank 9 sa katatapos na Medical Technologist Licensure Examination na mapapabilang siya sa listahan ng mga topnatchers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Angelica Mae Balino, rank 9 sa 2025 Medical Technologist Licensure Examination, sinabi niya na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsisink-in sa kaniya na isa na siyang Registered Medical Technologist at napabilang pa sa listahan ng Top 10.
Aminado siya na hindi naging maganda ang performance nito sa unang araw ng board exam dahil hindi umano nito naintindihan ang mga sinagutan nitong tanong sa pagsusulit kaya naman lubos ang kaniyang pasasalamat na naging maganda ang kinalabasan ng resulta ng kaniyang exam.
Aniya, hindi pa man siya graduate ay pinaghandaan na niya ang board exam kaya itinuon niya ang lahat ng kaniyang panahon sa pag-aaral.
Naging malaking hamon umano ang pagiging sakitin nito dahil unang linggo pa lamang niya sa review center ay nagkasakit na ito maging noong mismong araw ng pre-board.
Aniya, hindi niya pinangarap na mapunta sa field ng medicine ngunit dahil sa halos nasa hanay ng medisina ang kaniyang mga pinsan ay naisipan niyang kumuha ng MedTech magkaroon naman ng ganoong propesyon sa kanilang pamilya.
Sa ngayon ay mayroon nang mga oportunidad na nagbubukas dahil mayroon nang nag-aalok sa kaniyang maging lecturer ngunit mas gusto umano niyang magtrabaho sa laboratory.