--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang isang tsuper ng tricycle habang nasugatan ang isa pa sa banggaan ng jeep at tricycle sa daan sa Surcoc, Naguilian, Isabela.

Ang namatay ay si Rizaldy Casela, tsuper ng Honda TMX 155 tricycle, nasa tamang edad, may asawa at residente ng Mallabo, San Mariano, Isabela.

Nasugatan sa banggaan si Olivia Lozada, 42 anyos at residente ng Palluttan, San Mariano, Isabela at lulan ng pampasaherong jeep na minaneho ni Ronald Languido 37 anyos at residente ng Burgos, Naguilian, Isabela.

Lumabas sa imbestigasyon ng Naguilian Police Station na binabagtas ng tricycle ang provincial road patungo sa junction San Mariano sa San Manuel, Naguilian, Isabela ngunit nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay umagaw umano ito ng linya kaya’t nakabanggaan ang kasalubong na jeep.

--Ads--

Dahil dito ay nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang tsuper ng tricycle na si Casela na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan habang nasugatan ang isang sakay ng jeep.

Nasa pangangalaga na ng Naguilian Police Station ang mga sangkot na sasakyan.