--Ads--

CAUAYAN CITY – Isa ang nasawi, isa rin ang nasugatan sa banggaan ng motorsiklo at pick up sa barangay Muñoz West, Roxas Isabela.

Ang nasawi ay ang tsuper ng motorsiklo na si Marcelino Pardible, apatnapu’t dalawang taong gulang, may asawa, magsasaka habang sugatan naman ang back rider nito na si Ronnie dela Cruz, limampu’t isang taong gulang, kapwa residente ng San placido Roxas Isabela .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Ardee Tion, hepe ng Roxas Police Station sinabi niya na binabagtas ng hilux pick up na minaneho ni Regiemar Racoma, dalawampu’t tatlong taong gulang na residente ng Rizal, Roxas, Isabela ang pambansang lansangan patungong timog na direksyon habang nasa kasalungat namang linya sina Pardible.

Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay bigla umanog napunta ang motorsiklo sa linya ng pick up na naging sanhi ng banggaan.

--Ads--

Sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Pardible at Dela Cruz.

Agad dinala sa pagamutan ang dalawang biktima subalit idineklarang dead on arrival si Pardible habang patuloy na nilalapatan ng lunas si Dela Cruz matapos mabali ang paa.

Ang mga sangkot na sasakyan ay nasa pangangalaga na ng Roxas Police Station.