CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang rider habang sugatan naman ang angkas nito matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang Elf Truck sa Marasat Pequeño, San Mateo, Isabela.
Ang tsuper ng motorsiklo ay si Jackson Domingo, 31-anyos at residente ng Sinamar Norte, San Mateo, Isabela habang ang angkas nito ay si Randy Valdez.
Ang Elf Truck naman ay minaneho ni Freddie Teodoro, 49-anyos at residente ng San Isidro, Jones, Isabela.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, binabagtas ng motorsiklo ang pambansang lansangan na nasasakupan ng Brgy. Marasat Pequeño habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang Elf Truck.
Napunta umano ang motorsiklo sa linya ng Elf Truck dahilan upang magsalpukan ang mga ito.
Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang mga lulan ng motorsiklo at dinala sila sa pagamutan subalit binawian din ng buhay si Domingo habang nilalapatan ng lunas.
Ayon sa tsuper ng Elf Truck, nang makita nito ang motorsiklo na pumunta sa kaniyang linya at pasalubong sa kaniya ay inihinto na lamang niya ang minamaneho nitong truck dahil hindi rin nito magawang umiwas dahil sa paparating na pampasaherong bus.
Hindi pa naman matukoy sa ngayon kung nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin ang tsuper ng motorsiklo nang maganap ang insidente ngunit mabilis umano ang patakbo nito.
Sa ngayon ang tsuper ng Elf Truck ay nasa kustodiya na ng San Mateo Police Station at mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Serious Physical Injury and Damage to Property.