CAUAYAN CITY– Binigyan ng disenteng libing sa Centro West Public Cemetery sa Buguey, Cagayan ang isa sa dalawang kasapi ng new Peoples Army (NPA) na napatay sa naganap na engkuwentro sa bayan ng Santa Teresita, Cagayan.
Pinabasbasan ang mga labi ni alyas Aldy sa isang pari bago tuluyang inihimlay sa sementeryo.
Si alyas Aldy na tubong Isabela ay kinilala mismo ng kanyang mga dating kasama sa armadong grupo at hanggang sa ngayon ay sinisikap ng mga otoridad na alamin ang tunay na pagkakakilanlan nito.
Sa tulong ng Lokal na Pamahalaan at pulisya ng Buguey, naging maayos ang proseso ng libing ni alyas Aldy at pagpapasakamay sa mga magulang at kapatid sa bangkay ni Alyas Morga.
Iniuwi na rin ng kanyang pamilya sa kalakhang Maynila ang mga labi ni alyas Morga.
Mismong ang ama nito ang tumanggap sa bangkay nito at nagdesisyong ipacremate na lamang bago iuwi.
Hindi halos sukat akalain ng ama ni Alyas Morga na sa ganitong sitwasyon makakasamang muli ang anak kaya nais nilang ipaparamdam ang pagmamahal nila sa huling pagkakataon.
Patuloy pa rin ang panawagan ng PTF-ELCAC sa probinsya ng Cagayan sa mga natitira pang kasapi ng Komunistang Teroristang NPA na huwag nang hintayin na may mabuwis na namang buhay para lamang sa maling pinaglalaban.