--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagnegatibo na sa coronavirus disease (COVID-19) ang isa sa dalawang health workers ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na natanggap nila kahapon ang resulta ng laboratory test ni PH 8636 na isang nurse sa nasabing pagamutan at negatibo na ito sa virus.

Aniya, nahawa ang nasabing nurse sa naging pasyente nila noon na mula sa Baggao, Cagayan.

Sa ngayon ay isa na lamang ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa CVMC at umaasa si Dr. Baggao na sa pagdating ng SWAB test nito ay magnenegatibo na rin siya sa sakit dahil mula nang ito ay magpositibo sa virus ay hindi pa nakitaan nang ano mang sintomas ng nasabing sakit.

--Ads--

Ayon pa kay Dr. Baggao, mayroon silang 28 suspect case ngayon sa CVMC.

Tinig ni Dr. Glenn Mathew Baggao.

Samantala, tiniyak ni Dr. Baggao na sapat ang suplay nilang personal protective equipment (PPE) dahil bukod sa mga donasyong natatanggap nila ay bumibili rin sila ng sarili nila na mula sa pondo ng CVMC.

Aniya, kailangan nilang siguruhin na sapat ang gagamiting PPE ng kanilang mga health workers para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Pinayuhan naman niya ang publiko na mag-ingat palagi at iwasang lumabas kung hindi naman kinakailangan para makaiwas sa COVID-19.

Sinabi pa ni Dr. Baggao na kung siya ang tatanungin ay mas gusto niyang manatili pa rin ang general community quarantine (GCQ) o enhanced community quarantine (ECQ) para mas maging ligtas ang mga mamamayan.

Tinig ni Dr. Glenn Mathew Baggao.