CAUAYAN CITY – Aminado si Sangguniang Panlungsod Member Edgardo Atienza Jr. na isa sa pinakamabigat na desisyon ang kanyang pag-atras bilang kandidato sa pagkavice mayor upang bigyang daan ang pagtakbo rin sa parehong posisiyon ni Punong Barangay Benjie Dy.
Matatandaan na nitong Linggo, ika-anim ng Oktubre ay naghain si Atienza ng kandidatura sa pagka-bise Alkalde bilang running mate ni Incumbent Mayor Ceasar “Jaycee” Dy ngunit kahapon, huling araw ng filing ng certificate of candidacy ay nagwithdraw siya at pinalitan ni Benjie Dy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Edgardo Atienza Jr, sinabi niya na ang kaniyang pag-atras ay isa sa mga pinaka-mabigat na desisyon na kaniyang ginawa sa kaniyang karera sa pulitika ngunit masasabi niya na isa ito sa pinakamagandang desiyon na nagawa niya sa loob ng 30 taon na kaniyang panunungkulan.
Sa halip anya na magtutunggali sa pagkapunong lungsod ang magpinsan na Dy ay pinili nalang niyang magbigay daan upang magtambal ang magpinsan sa halalan.
Matapos ang kaniyang pag-atras kahapon ay marami umano siyang natatanggap na mensahe na nagsasabing hinangaan nila ang ginawa niyang desisyon at mayroon din naman umanong nagpapahayag ng kanilang kalungkutan.
Kapatid na kasi aniya ang turing niya sa mga Dy kaya kinailangan niya umanong mag-sakripisyo para sa long-term good service sa mga Cauayeño.
Tiniyak din niya na hindi siya mawawala at patuloy na tutulong at magbibigay suporta sa kanilang team.