Ibinahagi ng Deputy Director ng Bureau of Fire Protection ang kaniyang naging karanasan bilang isang lider kasabay ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong buwan ng Marso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FSSupt. Joanne Vallejo, Deputy Director ng BFP Training Service, sinabi niya na hindi naging madali ang kaniyang journey bilang isang babae lalo na at male dominated ang BFP.
Aniya, 28 taon na siyang nasa serbisyo kung saan una siyang naglingkod sa bayan bilang isang Police Officer ngunit kalaunan ay napagdesisyunan niyang mag-shift sa pagiging fire officer dahil pakiramdam niya ay mas malakas umano ang kaniyang calling sa pagtuturo at paghahanda sa pamayanan pagdating sa anumang mga kalamidad.
Bagama’t siya ay isang babae na nagtatrabaho sa isang male-dominated na ahensya ay hindi naman umano siya gaanong nahirapan dahil kasangga nito ang kaniyang kumpiyansa at kaalaman sa pinasok niyang propesyon.
Aniya, nasa kamay ng bawat babae nakasalalay ang respeto na gusto nilang matamasa basta’t mayroon kang kagustuhan na harapin ang bawat hamon sa trabaho at respeto sa kung sino man ang kanilang nakakasalamuha.
Bilang isang babaeng lider, hindi aniya maiiwasan na siya ay ma-pressure sa mga kasabayan nitong lider na lalaki ngunit kailangan lamang aniya ng lakas ng loob at tiwala sa sarili para magampanan ng maayos ang trabaho.
Labis naman siyang nagpapasalamat sa BFP dahil hindi umano sila tumitingin sa kasarian bagkus ay nakatuon sila sa kakayahan ng isang indibidwal kaya naman karamihan umano sa matataas na opisyal ng BFP ay mga kababaihan.
Nagpapasalamat din aniya sa mga kawani ng Media pangunahin na sa Bombo Radyo Cauayan dahil dito nag-umpisa ang malawak niyang exposure sa publiko.
Aniya, noong siya sa nasa Davao ay nakakatanggap na rin umano siya ng mga pagkilala ngunit mas napagyaman nito ang kaniyang leadership skills at mas nakilala siya ng publiko noong siya ay naging Fire Marshall ng BFP Cauayan kung saan naging partner nito ang Bombo Radyo sa paghahatid ng impormasyon sa taumbayan.