--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga awtoridad sa  Calaocan,Santiago City ang suspek na panloloob sa isang bahay sa Camella subdivision sa barangay Batal kung saan umabot sa mahigit kalahating milyong piso ang halaga ng mga ari-arian at perang nakuha ng mga suspek.

Ang biktima ay isang 31 anyos na residente ng nasabing subdivision habang ang suspek ay si Aristotle Padao, 18 anyos at residente ng Nagassican, Santiago City.

Batay sa pagsisiyasat ng Santiago City Police Office (SCPO) Station 4, dakong tanghali nang looban ng suspek at mga kasama ang bahay matapos umalis at kumain sa labas ang mga kaanak ng biktima.

Nang umuwi na sila ay laking gulat nila nang makita ang magulong bahay na hinalughog ng mga suspek.

--Ads--

Batay sa pagtaya ng may-ari, ilang valuable items ang natangay kabilang ang ilang laptop, cellphone at mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyong piso.

Agad na nagsagawa ng follow up operation ang mga pulis ng SCPO Station 3 at isang confidential informant ang nakuhanan ng impormasyon.

 Ang itinurong suspek ay ang binatang kabilang sa isang fraternity.

Nalaman ng mga pulis na magkakaroon ng initiation rites sa kanilang mga bagong kasama ang suspek at iba pang miyembro kaya na agad nilang pinuntahan ng lugar.

Nang makarating sa lugar ay nakatakbo pa ang suspek sa kanilang bahay upang magtago.

Matapos maaresto ay nakuha sa kanyang pag iingat ang isang unit ng 12-gauge hand gun.

Nakikipag-ugnayan ang SCPO Station 4 sa  pawnshop na pinagsanlaan ng mga suspek sa kanilang  mga ninakaw na kagamitan.

Ayon sa suspek, pinatago lamang ng kaniyang kaibigan sa kaniya ang baril at inamin din umano isa siya sa mga nagnakaw sa bahay ng biktima.

Patuloy na tinutugis ng mga pulis ang tatlo pang kasama ng suspek na kanyang itinuro.

Kasong robbery at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act  ang isasampa laban sa suspek na nasa kustodiya na ng SCPO Station 4.