CAUAYAN CITY – Idudulog ng Isabela Artist Circle sa Kagawaran ng Edukasyon o DepEd Isabela ang hindi magandang karanasan ng isa nilang painter na bukod sa hindi binayaran ng kanyang dating guro ang ipinagawang family portrait ay sinunog pa umano ito.
Ang painter artist ay si Edmar Casinillo, residente ng Cabagan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Ginoong Michael Castillo, Founder ng Isabela Artist Circle na ang pagiging artist ay isang propesyon na nagbibigay ng mga serbisyo sa mga nangangailangan.
Ginugol ng artist ang dalawang buwan para magpinta gamit ang oil sa family portrait ng kanyang dating guro kaya dapat lamang na bayaran ang kanyang serbisyo.
Aniya, karamihan sa kanilang mga artist ay binabarat ang mga trabaho at kung minsan ay hindi na binabayaran at wala naman silang magawa dahil walang kasulatan.
Para hindi sila malugi ay napagkasunduan nilang ilagay na sa black and white ang kasunduan at mayroon ding downpayment na kanilang hihilingin at kapag natapos na ang painting ay saka babayaran ang kabuuan.
Mahirap anya ang pagpipinta lalo na at oil ang ginamit dahil matagal bago matuyo at kailangan ang mastery sa paggamit ng oil sa pagpipinta.
Makikita naman na maganda ang gawa ng painter at maaring hindi lang nagustuhan ang painting dahil sa hindi nasunod ang kahilingang pagandahin pa.
Sobrang baba din anya ng singil ni Casinillo na walong libong piso dahil maari itong abutin ng apatnaput limang libong piso dahil family portrait ang ipinagawa ng kliyente bukod pa sa oil ang ginamit sa pagpinta.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Edmar Casinillo na sobra siyang nasaktan sa sinabi ng kanyang dating guro na sinunog ang kanyang painting.
Sinabi niya na lumapit sa kanya ang dati niyang guro para magpa-paint ng kanilang family picture.
Ang painting ay dalawang buwan niyang pinaghirapan para mabuo ang family portrait.
Anya sampong libo ang kanyang inialok subalit tinawaran pa ng walong-libong piso.
Nagpa-down siya ng dalawang libong piso para ipambili niya ng gamit sa pagpipinta tulad ng oil paint, canvass at brush.
Noong una ay tumatawag ang kanyang dating guro at tinatanong ang update hanggang sa matapos na ngunit nawalan na sila ng contact kaya itinago na lang niya ang family portrait dahil nahahalata niyang ayaw ng guro.
Noong nakaraang linggo ay nagkita sila ng kanyang coach at tinanong ang portrait na ipinagawa ng kanyang dating guro.
Nagustuhan naman ng kanyang coach ang family painting at siya na ang nagdeliver sa guro na tinanggap umano at sinabihang bayaran na lang sa G-cash.
Noong naniningil na anya ang painter ay sinabi ng guro na wala siyang ipambayad at hindi niya nagustuhan ang painting kaya niya umano sinunog.
Sobra anya ang kanyang kalungkutan sa ginawa ng kanyang dating guro at sinabing mas mabuti na lamang na ibinalik ang painting kaysa sinunog.
Sinabi naman ni Ginoong Hermes Casinillo na sobra silang nalungkot sa ginawa ng guro sa obra ng kanyang nakababatang kapatid.
Mas mabuti na lamang anyang ibinalik ang painting na obra ng kanyang kapatid kaysa sinabing sinunog.
Nais nilang mag-public apology ang nasabing guro sa kanyang kapatid at kahit hindi na bayaran ang painting.
Kapag hindi naman mag-public apology ang nasabing guro ay pag-aaralan nila ang susunod nilang hakbang.
Sa ngayon ay nasa low morale ang kanyang kapatid dahil sa ginawa sa kanyang painting na kanyang pinaghirapan.