--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ang presidente ng Isabela Consumers Watch Incorporated sa Finance Manager ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 2 na huwag pagtakpan ang mga nangyayari sa kooperatiba.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, hinikayat ni Ginoong Raffy Jacinto, presidente ng Isabela Consumers Watch Incorporated, nanawagan siya sa Finance Manager ng  ISELCO 2 na maging whistle blower na lamang at huwag nang pagtakpan ang ginagawa ng mga nakakataas sa kooperatiba.

Aniya, napakarami nang nangyayari sa ISELCO 2 na hindi nabibigyan ng paliwanag tulad ng power rate na umaabot ng mahigit 15 pesos  bawat kilowatt hour dahil sa mataas na kuha nila sa kanilang power provider.

Ang tanong nila ngayon ay kung bakit hindi makakuha ang ISELCO 2 sa SN Aboitiz Power Magat Incorporated sa Ramon, Isabela  na mas mura sana ang rate dahil matatagpuan lamang ito sa Isabela.

--Ads--

Batay sa paliwanag nila sa kanilang naging hearing sa Sangguniang Panlalawigan ay expired umano ang kontrata sa nasabing kompanya kaya hindi sila makakuha. Gayunman, puwede naman nilang ilapit sa Pamahalaang Panlalawigan para sila ay matulungan.

Ayon kay Ginoong Jacinto, sobrang mataas ang 15 pesos bawat kilowatt hour at mas mataas ito ng halos 3 pesos kumpara sa ISELCO 1.

Sinabi pa ni Ginoong Jacinto na huwag nang pagtakpan ang lifestyle ng mga empleyado ng ISELCO 2 na may mga sasakyan dahil batay sa nalalaman ng Isabela Consumers Watch Inc. may driver sa ISELCO 2 na tatlo ang sasakyan at may Department Head na nagpapautang ng daan-daang libong piso.

Dapat din aniyang ipaliwanag ang pagsingil ng 100 pesos noong Abril at Mayo sa mga member consumer na walang pahintulot ang member consumer owner.

Bukod dito ay hindi rin sila nagbigay ng dividend taliwas sa kanilang sinabi na nagbigay na sila noong Enero hanggang Marso.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Raffy Jacinto.