Nagpahayag ng labis na kagalakan si Isabela Governor Rodito Albano matapos mahalal si Isabela 6th District Representative Faustino “Bojie” Dy III bilang bagong House Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na malaking karangalan para sa buong lalawigan ng Isabela na ang pinakamataas na lider ng Kamara ay nagmula mismo sa kanilang probinsya.
Ayon sa gobernador, si Cong. Dy ay isa sa mga pinaka-mapagpakumbabang Isabeleño na kanyang nakilala at kilala rin sa pagbibigay ng tapat at wastong serbisyo publiko.
Dagdag pa ni Albano, ang pagkakapili kay Cong. Dy bilang bagong Speaker ay malinaw na patunay ng mataas na tiwala at suporta ng kanyang kapwa mambabatas at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Aniya, hindi lamang ang Pangulo at mga kongresista ang nagbigay ng kumpiyansa kay Cong. Dy kundi maging si dating House Speaker Martin Romualdez, na siya ring personal na pumili sa kaniya bilang kapalit.
Ibinahagi rin ng gobernador na dumaan sa maraming pagpupulong at konsultasyon bago tuluyang napagkasunduan ang pagpili kay Cong. Dy, dahilan upang lalo niyang masabing karapat-dapat ito sa posisyon.
Binigyang-diin din niya na ang pamumuno ni Cong. Dy ay inaasahang magdadala ng higit pang reporma at oportunidad para sa Isabela at sa buong bansa.











