--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ni Governor Rodito Albano ng Isabela na hindi titigil ang pamahalaang panlalawigan hangga’t hindi natatagpuan ng mga search and rescue team ang nawawalang Cesna plane na may anim na sakay kabilang ang piloto.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na hindi dapat mawalan ng pag-asa na buhay pa ang mga sakay ng eroplano.

Gagawin nila ang lahat  para matagpuan ang  eroplano kahit abutin pa ng isa o dalawang buwan.

--Ads--

Sa lawak aniya ng Sierra  Madre mountains ay nahihirapan ang mga rescuers na kinabibilangan ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force.

Tiniyak ni Gov. Albano na may sapat na supply ng pagkain ang mga rescue teams. Ipinag-utos niya ang pagbibigay ng sapat na tustos ng pagkain para sa kanila dahil kailangan nila ng tibay at lakas para sa paghahanap sa nawawalang eroplano.

Umaabot na sa 300 ang mga recuers na naghahanap sa eroplano at naidagdag ang 12 na may kasamang K9 dogs na makakatulong para sa paghahanap sa mga sakay ng eroplano.

Mayroon pang dalawang dagdag na helikopter para sa puspusang paghahanap sa nawawalang Cessna plane.

Ayon kay Gov. Albano, ilang beses na niyang naipaabot kay Pangulong Bongbong Marcos ang nawawalang eroplano at  concerned siya kung bakit hindi pa ito natatagpuan.

Tiniyak ni Gov. Albano kay Pangulong Marcos ang tuluy-tuloy na paghahanap sa nawawalang eroplano.