CAUAYAN CITY – Humingi na ng bakuna kontra African Swine Fever o ASF si Gov. Rodito Albano sa Department of Agriculture o DA matapos ang pagkakatala ng mga panibagong kaso ng sakit sa lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Rodito Albano sinabi niya na unang linggo pa ng Setyembre maaring makakuha ng suplay ng bakuna.
Libreng ibibigay ito ng DA bagamat handa naman ang lokal na pamahalaan na bumili ng bakuna kung kinakailangan.
Tiniyak naman niya na may ayuda ang pamahalaang panlalawigan sa mga apektadong hograisers.
Kailangan na talaga aniyang mas higpitan pa ng mga bayan ang kanilang biosecurity upang hindi makapasok ang ASF na malaki ang nagiging epekto sa mga hograisers na nalulugi dahil sa sakit.
Nagpalabas na umano siya ng direktiba sa nasabing mga bayan na higpitan ang monitoring sa mga itinalagang checkpoints upang matiyak na walang makalabas na baboy at macontain ang virus hanggang sa mawala na ito.